Home METRO Bacoor National High School, nabalot ng takot sa banta sa social media

Bacoor National High School, nabalot ng takot sa banta sa social media

3
0

CAVITE – Dahil sa banta sa Facebook, nabulabog ang buong eskuwelahan ng Bacoor National High School makaraang makatanggap ng mensaheng umano’y banta ng pananakit sa loob ng paaralan sa Brgy. San Nicolas III, Bacoor City, Cavite.

Sa report ng Bacoor Component City Police Station (CCPS), bandang 12:36 ng madaling-araw nang makita ang mensahe mula sa Facebook account na gumagamit ng pangalang “Justin.” Ipinadala ito sa ilang estudyante ng paaralan sa Brgy. San Nicolas III.

Ayon sa nagpadala, inamin nito na may mga balisong umanong naipasok at naitago sa loob ng paaralan matapos makalusot sa inspeksiyon ng guwardiya. Nilalaman din ng nasabing mensahe na posibleng magkaroon ng pananakit sa mga estudyante, kaya nagdulot ito ng pangamba sa mga guro at estudyante sa maaaring mangyari sa loob ng nasabing paaralan.

Batay sa ginawang imbestigasyon ng pulisya, limang estudyante ang nakatanggap ng magkakaparehong mensahe, kung saan nabanggit din ang mga pangalang “JM” at “Prince.”

Agad namang ipinagbigay-alam sa Bacoor CCPS ang insidente. Bilang tugon, mabilis na rumesponde ang mga imbestigador, Mobile Patrol Unit at SWAT personnel upang tiyakin ang seguridad ng paaralan.

Nakipag-ugnayan din ang mga awtoridad sa pamunuan ng paaralan habang isinagawa ang inspeksiyon sa buong campus.

Kabilang sa mga isinagawang hakbang ng pulisya ang pag-secure sa paaralan, ocular inspection, pakikipanayam sa mga saksi at paghingi ng tulong sa Cavite Provincial Anti-Cybercrime Response Team upang matukoy ang pinagmulan ng Facebook account at sumailalim sa digital forensic examination ang mga ebidensiya.

Patuloy ring nakikipag-ugnayan ang Bacoor CCPS sa mga paaralan sa buong lungsod upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro laban sa anumang posibleng banta.

Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung tunay na banta o pananakot lamang ang kumalat sa social media. Margie Bautista

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here