Home METRO Dayuhang vlogger, timbog sa panghaharas sa Taguig

Dayuhang vlogger, timbog sa panghaharas sa Taguig

3
0

MANILA, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng Taguig City Police ang isang 30-anyos na Ivorian national matapos umanong manggulo, mang-harass sa salita at magbanta sa isang empleyado sa loob ng isang shopping mall sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig City, Lunes ng umaga, Hulyo 27.

Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na Jeovani, 30-anyos, isang Ivorian national at vlogger na kasalukuyang naninirahan sa Barangay Ususan, Taguig City.

Batay sa paunang ulat, naganap ang insidente bandang alas-11:15 ng umaga noong Hulyo 27, 2026, sa ikatlong palapag ng isang commercial mall sa BGC. Ang biktima, isang 37-anyos na babaeng area manager, ay nasa labas ng kanyang pinagtatrabahuhan nang lapitan siya ng suspek at pasigaw na pinagmura.

Itinuro ng suspek ang biktima at maling pinaratangan itong kumukuha ng video sa kanya nang walang pahintulot. Bukod dito, nagbitiw din umano ito ng mga pananakot habang nagdudulot ng kaguluhan sa pampublikong lugar. Agad namang namagitan ang mga mall security personnel at isinuko ang suspek sa mga rumespondeng pulis mula sa Fort Bonifacio Police Sub-Station 1.

Ipinaalam sa naarestong suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa Miranda Doctrine sa wikang kanyang nauunawaan. Dinala siya sa Taguig-Pateros District Hospital para sa karaniwang medical examination bago isinailalim sa kustodiya ng Station Investigation and Detection Management Section (SIDMS) ng Taguig City Police Station.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Article 287 ng Revised Penal Code (Unjust Vexation) para sa inquest proceedings sa Tanggapan ng City Prosecutor ng Taguig.

Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Glenn Oliver C. Cinco ang maagap na pagtugon ng mga rumespondeng pulis at mga mall security personnel sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa loob ng pampublikong establisimyento.

Binigyang-diin ni Cinco na nananatiling matatag ang Southern Police District sa pagpapatupad ng batas upang maprotektahan ang mga mamamayan at manggagawa laban sa anumang uri ng pangha-harass at kaguluhan sa publiko.

(James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here