LAGUNA, Philippines – Arestado ang 13 lalaki matapos mahuling umano’y sangkot sa ilegal na pagsipsip o “paihi” ng diesel at liquefied petroleum gas (LPG) sa isang operasyon noong Lunes.
Ayon sa pulisya ng Calabarzon, nahuli ang mga suspek habang nagsasalin ng diesel mula sa apat na tanker truck sa loob ng isang compound sa Barangay Silangang Mayao bandang 4:20 p.m.
Narekober ng mga awtoridad ang ilang Intermediate Bulk Containers (IBCs) na naglalaman ng diesel na tinatayang nagkakahalaga ng P412,500, kasama ang iba’t ibang kagamitan sa pagsipsip ng langis.
Nakumpiska rin ang 289 na tangke ng LPG at isa pang truck na may kargang humigit-kumulang 10,000 litro ng LPG.
Ang “paihi” ay karaniwang tawag sa ilegal na paglilipat o pagsipsip ng gasolina o diesel mula sa mga imbakan o delivery truck.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek at nahaharap sa kaukulang kaso. Inimpound din ng mga awtoridad ang mga sasakyang ginamit sa operasyon. RNT/MDS