DAVAO, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw ng Martes, Hulyo 28, ang pamamahagi ng tulong sa ilalim ng programang Bawat Bayan Makikinabang para sa mga lalawigan ng Davao de Oro, Davao del Norte, at Davao Occidental.
Kasabay nito ang pamamahagi ng P132.95 milyong halaga ng agricultural at fishery interventions upang suportahan ang produksyon at kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa rehiyon.
Tumanggap ang 565 barangay sa tatlong lalawigan ng kabuuang P113 milyong Socio-Civic Projects Fund (SCPF) assistance, na may tig-P200,000 para sa bawat barangay.
Ang pondong ito ay nakalaan para sa mga prayoridad na proyekto ng barangay at educational assistance ng limang Bagong Pilipinas Presidential Scholars sa bawat komunidad.
Patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng direktang paglalaan ng pondo at pagpapatupad ng mga programang tumutugon sa edukasyon, kabuhayan, at kahandaan sa sakuna.
Sa ilalim ng Bawat Bayan Makikinabang, mas napapabilis ang paghahatid ng serbisyo at mas napapalapit ang mga programa ng pamahalaan sa bawat barangay at pamilyang Pilipino. (KRIS JOSE)