MANILA, Philippines — Hihilingin ng Commission on Elections (Comelec) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendihin ang klase at trabaho sa Nobyembre 3, 2026, upang mahikayat ang mas maraming Pilipino na bumoto sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Gaganapin ang BSKE sa Nobyembre 2, 2026, matapos itong ipagpaliban mula sa orihinal na iskedyul na Disyembre 1, 2025.
Sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na maraming Pilipino ang inaasahang uuwi sa kanilang mga lalawigan para sa paggunita ng All Saints’ Day sa Nobyembre 1, na isang special non-working day. Special non-working day din ang Nobyembre 2 para sa All Souls’ Day.
“For Barangay and SK Elections, the Commission on Elections will request our President to declare no classes and work on November 3,” sinabi ni Garcia sa mga mamamahayag.
Ayon kay Garcia, ang suspensyon ng klase at trabaho sa Nobyembre 3 ay magbibigay-daan sa mga botante na manatili muna sa kanilang mga lalawigan at makaboto sa Nobyembre 2 bago bumalik sa kanilang trabaho o pansamantalang tirahan.
“But if there are still no classes and work on November 3, if they return to Manila or areas where they work or temporarily reside on November 3, we can say that they can vote on November 2,” dagdag niya.
Itinakda ang paghahain ng certificates of candidacy mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 5. Kailangan ding ilakip ng mga kandidato ang kanilang birth certificate sa paghahain ng kandidatura.
Magsisimula naman ang campaign period sa Oktubre 22 at magtatapos sa Oktubre 31. Dahil mano-manong idaraos ang BSKE, bawal ang pangangampanya mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 21.
Nagbabala si Garcia na maaaring maparusahan ang mga aspiranteng magsasagawa ng premature campaigning, dahil ang Peñera vs. Comelec doctrine ay naaangkop lamang sa automated elections.
Nakapagtala ang Comelec ng 5,470,889 bagong voter applications sa registration period para sa BSKE mula Oktubre 20, 2025, hanggang Mayo 18, 2026. Jocelyn Tabangcura-Domenden