HINDANG, Leyte — Patay ang isang 77-anyos na lalaki matapos umano siyang atakihin ng maraming bubuyog sa Purok Sun-ok Cluster 5, Barangay Ma-asin, Hindang, Leyte noong Hulyo 27.
Kinilala lamang ang biktima sa alyas na “Nor,” residente ng Barangay Ma-asin.
Batay sa paunang imbestigasyon, umakyat sa bundok ang biktima kasama ang isang 43-anyos na lalaki dakong alas-10:30 ng umaga noong Linggo upang manghuli ng ibon.
Habang nasa lugar, inatake sila ng maraming bubuyog na tinatawag na “putyukan.” Kapwa sila nagtamo ng maraming kagat at tumakbo palayo.
Ligtas na nakauwi ang kasama ng biktima, ngunit naiwan ang senior citizen.
Makalipas ang ilang oras, binalikan siya ng isa pang lalaki at natagpuang wala nang buhay, na may mga kagat ng bubuyog sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Iniulat ng mga residente ang insidente sa Hindang Municipal Police Station. Dinala ang biktima sa Hindang Rural Health Unit, ngunit idineklara siyang patay ng doktor.
Isinagawa rin ang post-mortem examination upang matukoy ang sanhi ng kaniyang pagkamatay. Walang nakitang senyales ng foul play kaya iniuwi na ng pamilya ang kaniyang bangkay. Mary Anne Sapico