Home METRO Tatay kulong sa paggahasa, pagbuntis sa menor na anak sa Laguna

Tatay kulong sa paggahasa, pagbuntis sa menor na anak sa Laguna

4
0

MANILA, Philippines — Arestado ang isang 51-anyos na lalaki na inakusahan ng paulit-ulit na panggagahasa at pagbubuntis sa sarili niyang menor de edad na anak sa Santa Rosa City, Laguna noong nakaraang taon.

Natunton ng mga operatiba ng Regional Intelligence Division-Calabarzon ang suspek sa Miagao, Iloilo matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa kaniyang kinaroroonan. Inaresto siya sa baywalk sa Barangay Baybay Sur sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Rosauro Angelito David ng Santa Rosa City Regional Trial Court Branch 101.

Sinabi ni Police Col. Vicente Cabatingan, hepe ng RID-Calabarzon, na nagtago umano ang suspek sa Mindanao at bihira lamang bumalik sa Iloilo. Isinailalim muna siya sa surveillance bago nakumpirma ng mga awtoridad ang kaniyang pagkakakilanlan.

“Kasi nagtago talaga siya sa Mindanao. Bihira lang siyang bumalik diyan sa Iloilo, nagkaroon tayo ng positive identification nito sa mga kamag-anak considering nga nagbago na yung mukha niya doon,” ani Cabatingan.

Nahaharap ang suspek sa apat na bilang ng qualified rape at hindi pinayagang makapagpiyansa.

Ayon kay Brig. Gen. Dominic Baccay, acting regional director ng Calabarzon Police, apat na beses umanong ginahasa ng suspek ang kaniyang anak mula Mayo hanggang Agosto 2025, noong nasa 11 o 12 taong gulang pa lamang ito. Kalaunan ay nabuntis at nanganak ang biktima.

Matapos umanong hindi matulungan ng kaniyang ina, nagsumbong ang biktima sa isang barangay midwife, na tumulong upang mai-report ang kaso sa mga awtoridad at sa City Social Welfare and Development Office.

“So hanggang ito ay nakapagsumbong actually sa barangay midwife. Kaya yun ang tumulong sa kanya. Kinupkop yung biktima ng City Social Welfare and Development. So yun po ang tumulong at nagsumbong sa ating kapulisan,” ani Baccay.

Sinabi ni Baccay na bahagi ang pag-aresto sa pinaigting na kampanya ng regional police laban sa mga sex offender. Umabot sa 184 wanted sex offenders ang naaresto sa buong Calabarzon nitong Hulyo 2026.

Hinimok din niya ang mga biktima ng sexual abuse na magsumbong at humingi ng tulong.

“Huwag kayong matakot na magsumbong, magsabi sa mga sinapit niyo na ganiyang karumaldumal na problema. At kung sa umpisa naman ay medyo alanganin kayo sa pulis, pwede kayong lumapit sa barangay at diyan po natin makikita yung pagtutulungan ng barangay pati ng ating kapulisan,” ani Baccay.

Ang suspek, na kabilang sa most wanted persons ng Calabarzon, ay nakakulong sa custodial facility ng Santa Rosa City Police Station.

Nananatili naman sa pangangalaga at proteksyon ng City Social Welfare and Development Office ang biktima at ang kaniyang anak. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here