MANILA, Philippines – Nakatakdang ipagpatuloy ng United States at Iran ang kanilang negosasyon sa Agosto 3 matapos kanselahin ng Washington ang planong malawakang pag-atake, ayon kay US President Donald Trump.
Sa pakikipag-usap sa mga mamamahayag sakay ng Air Force One noong Linggo, sinabi ni Trump na hiniling ng Saudi Arabia, Qatar, United Arab Emirates, at Iran na huwag ituloy ng US ang operasyong militar.
“They knew the extent of the attack because they saw it forming. Now what we’re doing is we’re talking to them in the form of a negotiation. It begins tomorrow afternoon, and we’ll see,” ani Trump.
“We’re all set to go, but when the allies asked to call it off, they got us sort of saying, ‘Well, let’s see.’ And the reason they ask is they think there’s a deal,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Trump na may napagkasunduan na kaugnay ng Strait of Hormuz at ang nuclear program ng Iran ang susunod na tatalakayin.
“There’s a deal on Hormuz, and then there will be a deal on the nuclear, or you might call it the denuclearization of Iran. I call it the denuclearization of Iran,” aniya.
Gayunman, iniulat ng Fars news agency ng Iran, batay sa isang source mula sa Iranian negotiating team, na walang napagkasunduan sa pagpapatuloy ng paglalayag sa Strait of Hormuz at hindi umano totoo ang mga naunang ulat tungkol sa kasunduan.
Nauna namang iniulat ng Israeli television Channel 12 na kinansela ni Trump ang planong pag-atake matapos tanggapin ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi ang compromise proposal ng mga Qatari mediator para sa muling pagbubukas ng Strait of Hormuz. RNT