Home NATIONWIDE Aquino tiniyak sapat na pondo, pagpapalawak ng libreng kolehiyo

Aquino tiniyak sapat na pondo, pagpapalawak ng libreng kolehiyo

3
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Sen. Bam Aquino nitong Lunes na babantayan at isusulong niya ang mas malaking pondo para sa libreng kolehiyo upang mas maraming Pilipinong estudyante ang makatapos ng pag-aaral.

Ginawa ni Aquino ang pahayag sa ika-siyam na anibersaryo ng Republic Act No. 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Siya ang principal sponsor ng batas noong 17th Congress habang chairman ng Senate Committee on Education.

Bilang kasalukuyang chairman ng Senate Committee on Basic Education at vice chairman ng Senate Committee on Finance, sinabi ni Aquino na ipinaglaban ang P67 bilyon para sa programa sa ilalim ng panukalang P1.34-trilyong education budget para sa 2026.

“Ngayong 2026, ipinaglaban natin ang PHP67 bilyon para sa pagpapatuloy ng Libreng Kolehiyo bilang bahagi ng makasaysayang PHP1.34 trilyong budget para sa edukasyon—ang pinakamalaking pondong inilaan para sa edukasyon sa kasaysayan ng ating bansa (This year, we will push for PHP67 billion for the continuation of the Free College Law as part of the historic PHP1.34 trillion budget for education – the highest allocation for education in the history of our country),” ani Aquino.

“Patuloy nating babantayan at ipaglalaban ang pondong ito upang matiyak na hindi ito mababawasan, kundi lalo pang madaragdagan para mas marami pang kabataang Pilipino ang makinabang sa Libreng Kolehiyo (we will continue to guard and fight for this fund to ensure that more Filipino youth will benefit from this law),” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Aquino na bunga ang batas ng sama-samang pagkilos ng mga mambabatas, guro, student groups, civil society organizations, at mga Pilipinong sumuporta sa libreng tertiary education.

Naghain din siya ng Senate Bill No. 130 upang palawakin ang Tertiary Education Subsidy program at matiyak na makararating ang tulong sa mga estudyanteng higit na nangangailangan.

Sa ilalim ng panukala, garantisado ang TES grants sa mga kuwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na makatapos ng senior high school at matanggap sa mga higher education institution na kinikilala ng Commission on Higher Education o technical-vocational institution na akreditado ng Technical Education and Skills Development Authority.

Magpapatuloy ang subsidy hanggang matapos ng mga benepisyaryo ang kanilang degree o technical-vocational program, basta mapanatili nila ang kasiya-siyang performance at masunod ang mga patakaran ng institusyon.

Sasaklawin din ng panukala ang internship at Related Learning Experience fees, gayundin ang minsanang gastusin para sa professional licensure o certification. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here