MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ng Presidential Communications Office (PCO) ang mga social media account na nagpakalat ng maling impormasyon na inaresto na umano si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at dadalhin sa International Criminal Court (ICC) sa Netherlands.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, inatasan ni PCO Secretary Dave Gomez ang anti-fake news desk na tukuyin ang mga account na nagpakalat ng naturang balita at alamin kung may malisyosong layunin ang mga ito.
Sinabi ni Castro na hindi ito palalampasin ng pamahalaan at patuloy na tututukan ang lahat ng kaso ng fake news.
Nauna nang itinanggi ng Malacañang ang balitang naaresto si Dela Rosa at sinabi nitong isa lamang itong taktika upang ilihis ang atensyon mula sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Kinumpirma rin ng Palasyo na patuloy ang operasyon upang hanapin at arestuhin si Dela Rosa, ngunit tumanggi itong magbigay ng karagdagang detalye tungkol sa paghahatid ng warrant.
Si Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police, ay nagtago noong huling bahagi ng 2025 matapos makumpirma na may nalalapit na warrant mula sa ICC kaugnay ng imbestigasyon sa war on drugs ng administrasyong Duterte. Muli siyang nagpakita sa Senado ngayong taon ngunit muling nagtago makalipas ang ilang araw. RNT/MDS