MANILA, Philippines – Binigyan ng mga Pilipino ng “good” net trust ratings ang United States at Japan, habang nakakuha ng “poor” ratings ang China, Palestine at Iran, ayon sa Second Quarter 2026 Social Weather Survey.
Nanguna ang United States na may net trust rating na +42, kasunod ang Japan na may +36. Nakakuha ang Australia ng “moderate” na +29, habang “neutral” ang Israel na may -5 at Russia na may -8.
Nagtala naman ang China ng net trust rating na -16, Palestine na -19 at Iran na -23.
Kinukuwenta ang net trust rating sa pamamagitan ng pagbabawas sa porsiyento ng mga may mababang tiwala mula sa porsiyento ng mga may mataas na tiwala.
“Net trust in the United States has been positive since SWS first surveyed it in December 1994, ranging from moderate +18 in May 2005 to excellent +82 in December 2013,” ayon sa SWS.
Sinabi rin ng SWS na siyam lamang sa 74 survey mula Agosto 1994 ang nagpakita ng positibong net trust rating para sa China. Umabot ito sa pinakamataas na “moderate” +17 noong Hunyo 2010 at bumagsak sa “very bad” -54 noong Hunyo 2024.
Isinagawa ang non-commissioned survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 Pilipinong edad 18 pataas mula Hunyo 20 hanggang 29, 2026.
Kabilang dito ang tig-300 respondent mula sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao. May sampling error margin itong ±3 porsiyento para sa national percentages at ±6 porsiyento sa bawat pangunahing lugar. RNT