ILOCOS SUR — Kamatayan ang sinapit ng isang PWD na 51-anyos na misis matapos mabangga ng SUV sa national highway sa Brgy. Langlangca 2nd, Candon City, ng lalawigang ito nitong Huwebes ng gabi, Agosto 6.
Ayon sa Candon City Police Station, ang namatay na misis at ang 57-anyos na lalaking driver ng Mitsubishi Montero ay parehong residente ng Candon City.
Base sa imbestigasyon, ang naturang misis ay naglalakad sa right shoulder ng kalsada, samantalang ang SUV naman ay bumibiyahe papuntang hilaga.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, lumakad umano ang biktima papunta sa paparating na sasakyan kaya nabangga siya ng SUV.
Matapos mabangga ay tumilapon sa gilid ng kalsada ang pedestrian.
Nagtamo ang pedestrian ng head injury at sugat sa kanyang baba.
Agad na isinugod ng mga rumespondeng CDRRMO at PNP personnel ang pedestrian.
Gayunman, ang pedestrian ay idineklarang dead on arrival ng attending doctor.