Home NATIONWIDE Pagbakwit sa mga apektado ng ‘habagat’ pinalakas ng PNP

Pagbakwit sa mga apektado ng ‘habagat’ pinalakas ng PNP

3
0
via Philippine National Police FB Page

MANILA, Philippines – Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng yunit sa mga lugar na apektado ng Habagat na manatiling naka-heightened alert at palakasin ang preemptive evacuation sa mga komunidad na madalas bahain at magkaroon ng landslide.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., dapat maging handa ang mga pulis sa search, rescue, retrieval, at evacuation operations, habang patuloy na mino-monitor ang lagay ng panahon at nakikipag-ugnayan sa mga LGU at iba pang ahensiya.

Sinabi niyang ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panatilihing alerto ang mga ahensiya ng pamahalaan at magsagawa ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga komunidad at mahahalagang imprastraktura.

Binabantayan din ng pamahalaan ang mga lugar na madaling bahain at ang pagtaas ng tubig sa mga dam at reservoir, at inatasan ang mga kaugnay na ahensiya na magtulungan sa tamang pagpapakawala ng tubig at iba pang hakbang sa pag-iwas sa sakuna.

Nauna nang inactivate ng PNP ang Subcommittee on Natural Disaster sa ilalim ng Directorate for Police Community Relations upang subaybayan ang sitwasyon sa pamamagitan ng PNP Command Center.

Humigit-kumulang 800 pulis ang naipadala na sa mga apektadong rehiyon, habang 10,000 reserve personnel ang nakaantabay para sa search, rescue, at retrieval operations.

Samantala, pinuri ni Nartatez ang mabilis na pagtugon ng mga pulis sa Baguio City na tumulong sa isang ina na nanganak sa kanilang bahay sa gitna ng malakas na ulan at baha noong Agosto 4.

Nang dumating ang mga pulis at Emergency Medical Services (EMS), naisilang na ang sanggol na lalaki sa tulong ng isang kamag-anak. Dinala ang mag-ina sa Baguio General Hospital, at kapwa sila nasa maayos na kondisyon.

Patuloy na nakararanas ng malalakas na ulan at pagbaha ang Baguio City dahil sa pinalakas na Habagat at Tropical Depression Maymay, na nagpahirap sa mga emergency response operation. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here