Home NATIONWIDE Alegasyon ni VP Sara na pro-China si PBBM, katawa-tawa – Malakanyang

Alegasyon ni VP Sara na pro-China si PBBM, katawa-tawa – Malakanyang

4
0

MANILA, Philippines – Natawa na lang ang Malakanyang sa alegasyon ni Vice President Sara Duterte na maaring kabilang si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga opisyal ng gobyerno na pinaghihinalaang pro-China kung ang listahan ng di umano’y ‘sympathizers’ ay hindi ilalabas.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang pahayag ni VP Sara ay katawa-tawa dahil walang katotohanan lalo pa’t kung ang pagbabasehan ay ang rekord ni Pangulong Marcos sa pagdepensa sa soberanya ng Pilipinas at karapatan sa West Philippine Sea (WPS).

“Nakita po natin kung paano ipaglaban ng Pangulo ang interes ng bansang Pilipinas at interes ng ating mga kababayan,” ang sinabi ni Castro.

“Marami na ang humanga at ipinakita na sang-ayon sila kung anong instance ng Pangulo, patungkol sa ating soberanya, kung papaano natin ipaglalaban, poproteksyunan, especially ang ating karapatan sa West Philippine Sea,” dagdag na wika nito.

Kinuwestiyon naman ni Castro kung bakit si VP Sara at kapatid nitong si Davao City Rep. Paolo Duterte, ang mga tanging tumutol sa panawagan ni Defense Secretary Gilbert Teodoro para sa opisyal na magbitiw sa puwesto kung hindi mapaninindigan ang interest ng Pilipinas sa WPS.

“Hindi natin alam bakit silang dalawa lamang na magkapatid ang umaalma,” ani Castro.

“Minsan kasi kapag ikaw ay natutumbok, kahit hindi ka pinangangalanan, most probably ikaw ay nare-react,” dagdag na wika nito.

Sa ulat, hinamon ni VP Sara si Teodoro na pangalanan ang mga opisyal ng gobyerno na sinasabi niyang tagapagtanggol ng posisyon ng China sa isyu ng West Philippine Sea.

“Dapat pangalanan kung sino ‘yung mga officials na tinutukoy niya na nananati­ling nagde-defend sa China over the West Philippine issue,” ang sinabi ni VP Sara.

Iginiit ni VP Sara na ang paggawa ng malawak na akusasyon nang hindi pinapangalanan ang mga indibidwal ay maaring lumikha ng mga hindi kinakailangang haka-haka, kabilang ang mga pagsasangkot sa mga opisyal na hindi naman tinukoy ang pagkaka­kilanlan.

Idinagdag pa niya na maging si Pangulong Marcos ay maaaring isa sa paghinalaan kung walang babanggiting mga pangalan.

“Kasi hindi puwedeng magbitaw ka ng ganung salita, hindi mo naman pangalanan yung mga official,” aniya.

Una nang nanawagan si Teodoro sa mga opisyal ng gobyerno na tumatangging suportahan ang polisiya ng Pilipinas sa WPS at sa halip ay pumapanig sa Tsina, na magbitiw sa kanilang mga posisyon. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here