Home NATIONWIDE JV Ejercito, pabor sa pagpapatuloy ng ilang flood-control projects sa 2027

JV Ejercito, pabor sa pagpapatuloy ng ilang flood-control projects sa 2027

3
0

MANILA, Philippines – Pabor si Senador JV Ejercito sa pagpapatuloy ng pondo para sa piling flood-control projects sa panukalang P7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027.

Ayon kay Ejercito, dapat ipagpatuloy ang kampanya laban sa korapsyon ngunit hindi dapat mapabayaan ang mahahalagang proyekto sa imprastraktura at paglago ng ekonomiya. Sinabi niyang masyadong mahigpit ang kasalukuyang kalagayan ng pondo ng pamahalaan.

Ipinanukala ng administrasyong Marcos ang P7.2-trilyong budget para sa 2027, na anim na porsiyentong mas mataas kaysa sa kasalukuyang budget, upang suportahan ang imprastraktura, edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyong panlipunan.

“We are hoping that the third and fourth quarter collections and revenues will catch up,” ani Ejercito.

Ayon sa kanya, bumagal ang paggastos ng pamahalaan sa imprastraktura dahil sa mga repormang ipinatupad matapos ang umano’y anomalya sa flood-control projects. “The unintended consequence was very slow spending because infrastructure projects were delayed,” aniya.

Iginiit niya na dapat ibalik ang pondo para sa mga flood-control project na kasalukuyang isinasagawa o bahagi ng aprubadong flood-management master plan. “Flood control, if it’s not contiguous, if there are gaps, water will really look for outlets,” dagdag niya.

Inihayag din ni Ejercito ang mga reporma sa pagtalakay ng 2027 budget sa Senado, kabilang ang livestreaming ng bicameral conference committee deliberations, pagbabawal sa closed-door meetings, at pagbabawal sa last-minute budget insertions.

“I will not be allowing insertions and last-minute amendments during bicam,” aniya. “If there are projects that lawmakers want to propose, they should be discussed openly in plenary, not during closed-door bicameral meetings.”

Aminado siyang bumagal ang pagpapatupad ng mga proyekto dahil sa mas mahigpit na safeguards, ngunit sinabi niyang kailangan nang balansehin ang pananagutan at paglago ng ekonomiya.

“We have no regrets because reforms and safeguards had to be put in place,” aniya. “But now we have to increase public spending again because many Filipinos are already feeling the effects.”

Binigyang-diin din niya na dapat managot ang mga responsable sa umano’y anomalya sa flood-control projects. “The real culprits behind the flood-control scandal have to be brought to justice,” sabi niya.

Bukod dito, muling isinusulong ni Ejercito ang pag-amyenda sa EPIRA upang alisin ang pagpasa ng non-technical system losses, tulad ng pagnanakaw ng kuryente at illegal connections, sa mga konsyumer.

“Consumers should not have to pay for electricity they did not use,” pagtatapos niya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here