Home METRO Seguridad sa 108 election areas sa BARMM, pinaigting ng PNP

Seguridad sa 108 election areas sa BARMM, pinaigting ng PNP

3
0

MANILA, Philippines – Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa 108 lugar na itinuturing ng Commission on Elections (Comelec) na areas of concern para sa Setyembre 14 parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Pinakamarami ang Lanao del Sur na may 21 red zones, habang ang Maguindanao del Sur ay may 11 orange zones. May iba’t ibang antas ng panganib sa Maguindanao del Norte at Basilan, habang nananatiling ligtas at matatag ang Tawi-Tawi.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., “Ensuring the peaceful elections in BARMM is a continuing process. Security measures are in place, but regular monitoring and real-time adjustments are being done based on the situation on the ground.”

Ang red zones ay may mataas na panganib at kasaysayan ng karahasan, ang orange zones ay may seryosong banta mula sa armadong grupo, ang yellow zones ay may kasaysayan ng kaguluhan tuwing halalan, at ang green zones ay itinuturing na ligtas.

Dagdag ni Nartatez, “The goal has always been to provide the safest environment for all our kababayan (countrymen) in the area to freely choose their next leaders, and eventually prove that BARMM is way different now compared to what it was known in the past, especially during elections.”

Palalakasin din ng PNP ang koordinasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at hinikayat ang publiko na maging mapagmatyag at agad iulat ang anumang kahina-hinalang indibidwal o grupo.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng PNP na wala pa silang naitalang election-related violence sa rehiyon.

May gun ban sa buong BARMM mula Hulyo 16 hanggang Setyembre 29. Humigit-kumulang 400 kandidato ang tatakbo para sa 86 posisyon sa unang parliamentary elections ng BARMM.

Gaganapin ang halalan sa Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Tawi-Tawi, Cotabato City, at mahigit 63 barangay sa Cotabato na kabilang sa special geographic areas.

Batay sa datos ng PNP, 9,463 pulis na ang naipakalat, karamihan mula sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, at may mga dagdag na tauhan mula sa National Support Units (NSUs) at iba pang Police Regional Offices. Bumuo rin ng special electoral board bilang bahagi ng paghahanda sa anumang posibleng insidente. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here