MANILA, Philippines – Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na susundin nito ang utos ng Sandiganbayan na iharap si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan upang tumestigo sa kaso ni dating Senador Bong Revilla sa Agosto 12.
Inatasan ni PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang PNP Health Service na makipag-ugnayan sa Sandiganbayan upang matiyak ang pagharap ni Bonoan sa korte. Ayon kay Nartatez, “His medical condition and safety will remain a priority throughout the process.”
Naglabas ang Sandiganbayan Third Division ng subpoena noong Agosto 7, na naihatid sa PNP General Hospital, kung saan kasalukuyang nasa hospital arrest ang 80-anyos na si Bonoan.
Ayon sa PNP, ginagamot si Bonoan sa diabetes, hypertension, chronic kidney disease, at iba pang karamdaman. Dinala siya sa PNP General Hospital noong Hunyo 1 matapos siyang sumuko kaugnay ng plunder case na may kinalaman sa umano’y anomalya sa mga flood control project. Pansamantala siyang inilipat sa isang pribadong ospital para sa karagdagang pagsusuri bago ibinalik sa kustodiya ng pulisya at sa PNP General Hospital.
Pinayagan ng Sandiganbayan na manatili si Bonoan sa hospital arrest dahil sa kanyang edad at kalagayan sa kalusugan.
Inaasahang tumestigo si Bonoan laban kay Revilla sa kasong dinidinig ng anti-graft court. Sisiguraduhin ng PNP ang kanyang paglipat sa Sandiganbayan na may sapat na medical at security support, at makikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng korte at iba pang yunit ng pulisya para sa maayos na pagpapatupad ng subpoena.
Ayon pa kay Nartatez, “The PNP respects the authority of the courts and will ensure that all lawful orders are properly implemented. We will provide the necessary security and assistance while respecting the medical needs of persons under our custody.”
Si Bonoan ay kabilang sa mga nahaharap sa paglilitis sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo ng publiko habang siya ay nasa serbisyo ng pamahalaan. RNT/MDS