INCHEON, South Korea – Inaresto sa Incheon, South Korea ang isang 18-anyos na lalaki matapos umano niyang patayin ang kanyang ina at ang kanilang alagang aso kasunod ng isang pagtatalo sa kanilang bahay.
Ayon sa Incheon Samsan Police Station, nahaharap ang suspek sa kasong pagpatay sa magulang o direktang kamag-anak at paglabag sa Animal Protection Act. Naglabas ng arrest warrant ang Incheon District Court noong Linggo dahil sa posibilidad na tumakas ang suspek.
Batay sa imbestigasyon, bandang 8:30 p.m. noong Biyernes, ilang beses umano niyang sinaksak ang kanyang ina sa kanilang bahay sa Bupyeong-gu, Incheon, bago sinakal hanggang mamatay ang alagang aso.
Dinala sa ospital ang kanyang ina ngunit namatay rin makalipas ang ilang sandali. Ang suspek mismo ang nag-ulat ng insidente sa mga awtoridad. Wala umanong ibang miyembro ng pamilya sa bahay nang mangyari ang krimen.
Sinabi ng pulisya na ang binata ay dati nang ginamot dahil sa mga isyu sa kalusugang pangkaisipan, huminto sa pag-aaral sa high school, at walang trabaho. Nauna na ring rumesponde ang pulisya sa kanilang bahay dahil sa matitinding pagtatalo ng mag-ina, ngunit walang naisampang kaso noon.
Naniniwala ang mga imbestigador na isang pagtatalo ang naganap bago ang pagpatay. Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa motibo at iba pang detalye ng insidente, at humiling na rin ang pulisya ng autopsy mula sa National Forensic Service. RNT/MDS