MANILA, Philippines – Arestado ang tatlong kawatan na sinamantala ang malakas na ulan para pasukin at looban ang isang bodega sa Malabon City, Lunes ng madaling araw.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission ang mga suspek na sina alyas “Jr Topeng”, 24, alyas “Boni”, 26, at alyas “Johan” 24, pawang residente ng Brgy. Tonsuya.
Sa imbestigasyon nina P/MSg Ernie Baroy at P/MSg Diego Ngippol, nakapasok sa loob ng bodega na nasa P. Aquino Avenue, Brgy., Longos ang mga kawatan nang wasakin ang bahagi ng pader na tinakpan lang ng yero bago lumabas, tangay ang mga ninakaw.
Nagkataon namang gising pa ang testigong si alyas “Ric”, 41, na nakatira sa tabi ng bodega na agad tumawag sa Malabon Police Sub-Station-5 nang masaksihan ang panloloob na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-12:45 ng madaling araw.
Nabawi sa kanila ang dalawang sako ng hanger na nagkakahalaga ng P16,000.00, at isang sako ng ukay-ukay na mga damit na nagkakahalaga ng P3,000 na gagamiting ebidensya sa pagsasampa ng kasong Robbery laban sa kanila. (Merly Duero)