MANILA, Philippines – Pag-aarala munang mabuti ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang ipagpaliban ang 2026 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) bago magbigay ng posisyon sa usapin.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi kaagad masusuportahan ni Pangulong Marcos ang nasabing panukala nang hindi nadedetermina kung bakit ipagpapaliban ang BSKE.
“Sa ngayon po ay dapat mabasa muna kung anuman po ang kanilang panukala,” ani Castro.
“Hindi po maaaring sumang-ayon agad, hindi puwedeng sumang-ayon or hindi sumang-ayon hanggat hindi nakikita kung bakit kailangan ng ganitong klaseng panukala at bakit kinakailangan ma-postpone,” aniya pa rin.
Isa sa mga nagsusulong ng panukala si Senate President Francis “Chiz” Escudero, na nagsabing maaaring makatipid ang gobyerno ng ₱16 bilyon kung muling ipagpapaliban ang halalan sa November 2.
Maaari umanong gamitin ang matitipid para sa mga sektor na apektado ng krisis sa enerhiya dulot ng giyera sa Gitnang Silangan.
Gayunman, sinabi ni Castro, na ang anumang panukala na ginagamit na dahilan ang energy crisis para bigyang katuwiran ang pagpapaliban sa eleksyon ay kailangang may magtatag at malinaw na basehan para sa nasabing hakbang.
“Siguro mas maganda po kung ma-justify talaga na dahil sa krisis ng enerhiya dapat i-postpone ng ilang taon,” ang winika ni Castro.
Sa kabilang dako, hindi napag-usapan ayon kay Castro sa kamakailan lamang na Legislative-Executive Development Advisory Council meeting kasama si Pangulong Marcos ang panukalang ipagpaliban ang BSKE. (KRIS JOSE)