Home NATIONWIDE Speaker Dy tiniyak na bawat piso sa 2027 budget para sa tao

Speaker Dy tiniyak na bawat piso sa 2027 budget para sa tao

4
0

MANILA, Philippines – Ipinangako ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na sasailalim sa masusuring pag-aaral ng Kamara  ang panukalang 2027 national budget upang matiyak na ang bawat piso ay magdudulot ng konkretong benepisyo sa mga Pilipino.

Ang pahayag ay ginawa ni Dy kasabay ng pormal na pagtanggap ng Kamara sa 2027 National Expenditure Program (NEP) mula sa Department of Budget and Management(DBM) na may  temang “People-Centered Growth for an Inclusive and Resilient Future.”

“Hindi sapat na sabihin kung magkano ang ginagastos. Dapat maipakita kung ano ang nagagawa ng bawat piso. Ang bawat piso ay dapat may katumbas na ginhawa para sa bawat Pilipino,” pahayag ni Dy sa naganap na turnover ceremony.

Paliwanag pa niya, ang pambansang pondo ay hindi lamang simpleng mga numero at alokasyon. Sa likod ng bawat piso ay may mga Pilipinong nag-aabang ng mas maayos na serbisyo at mas magandang kinabukasan.

“Sapagkat ang budget na ito ay para sa pamilyang umaasang magiging mas abot-kaya ang presyo ng pagkain; sa magulang na nangangailangan ng maayos na serbisyong pangkalusugan; sa batang nangangarap makapagtapos; sa magsasakang nangangailangan ng suporta; at sa manggagawang naghahangad ng disenteng trabaho at mas patas na pagkakataon.”

Inihayag din ni Dy na kaisa ang Kongreso sa direktiba ni Pangulong Bongbong  Marcos Jr. na palakasin ang seguridad at sariling kakayahan ng bansa, pati na ang pagtiyak na mararating ng serbisyo ang mga nangangailangan mula sa edukasyon, kalusugan, trabaho, hanggang sa disaster preparedness.

Tiniyak din nito na mananatiling bukas at transparent ang proseso ng Kamara sa pagtalakay sa budget sa amamagitan ng mga reporma tulad ng Budget Amendments and Review Subcommittee (BARSC) at live-streaming ng mga pagpupulong ng bicameral conference committee.

“Ang budget ay pera ng taumbayan. May karapatan silang malaman kung saan ito mapupunta. Sisikapin po nating maging mas bukas pa ang pagbubuo ng ating national budget.”dagdag pa nito.

Sa mga susunod na linggo, puspusan ang magiging trabaho ng mga mambabatas sa pagsusuri ng NEP, pagtatanong sa mga ahensya, at pagpapanatiling mulat sa publiko hanggang sa maipasa ang pinal na General Appropriations Bill.

“Para sa Bagong Kongreso, ang 2027 budget ay para isalin ang mga pangako sa programa, ang mga programa na may konkretong epekto, at ang bawat pisong ginagastos sa tunay na pagbabago sa buhay ng ating mga kababayan. Sa dulo, iisa ang ating sukatan,  isang budget na tunay na para sa tao at tunay na nararamdaman ng tao.” pagtatapos pa ni Dy.

Base sa iskedyul ng Kamara, sinabi ni House Appropriations Committee Chairman Mikaela Suansing na ang panukalang budget ay agad na isasalang sa deliberasyon sa August 17, tatagal ang mg committee hearing hanggang sa Sdetyembre 8. Pagkaraan nito ay tatalakayin sa Plenary hanggang sa Oktubre 8 at target naman na maipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang national budget sa Oktubre 9. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here