MANILA, Philippines – Kinontra ni House prosecutor at Akbayan party-list Rep. Rep. Chel Diokno nitong Martes, Agosto 11 ang mga troll na nag-uugnay sa kanya sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ani Diokno, hindi siya ang “Jose Diokno Jr.” na pangalan sa acknowledgment receipt na ipinresenta sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa Facebook post, sinabi ni Diokno na matagal nang ginagamit ng kanyang mga detractor ang isyu laban sa kanya.
“Matagal na nilang ginagamit ang isyung ito para sirain ang pangalan ko. Linawin ko lang: Jose Manuel Diokno ang pangalan ko, hindi Jose Diokno, Jr.,” ani Diokno.
“Kailanman hindi ako nakatanggap ng confidential funds. At kailanman hindi ako naging ahente ng Bise Presidente,” dagdag pa.
Sa ika-14 na araw ng impeachment trial ni Duterte ay tumestigo si Commission on Audit (COA) state auditor Xylene del Campo sa grounds sa pag-iisyu ng kanyang opisina ng notice of disallowance sakop ang confidential fund disbursements ng OVP.
Si Del Campo ay auditor ng Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) ng COA na nagsasagawa ng pag-audit sa confidential at intelligence funds ng mga ahensya ng pamahalaan.
Aniya, bigong suportahan ng mga dokumento ng OVP ang pagbabayad para sa reward money at kulang ng tamang dokumentasyon para sa confidential supply expenses.
Kabilang dito ang recipient na pirmado bilang “Jose Diokno Jr.” na tumanggap ng ₱150,000.
“Pero sige, pagbigyan natin ang mga trolls. Kung sinasabi niyong nakatanggap ako ng confidential funds, eh ‘di inamin n’yo na rin na mali ang paggastos ni VP Sara dito 😜,” sinabi ni Diokno. RNT/JGC