MANILA, Philippines – PINASARINGAN ng Malakanyang ang tinutukoy nitong credit-grabber para sa isang housing project sa Davao City.
Hindi naman pinangalanan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kung sino ang mga ito.
“Isang maayos na pabahay, isang tunay na komunidad, ngunit ang proyektong ito ay pilit na inaagaw ng ilang mapagpanggap na kahit wala silang anumang kontribusyon sa pagod ng Pangulong Marcos Jr. at ng DHSUD ay pilit bubulagin ang mga kababayan natin sa pamamagitan ng pagpapanggap na kanila raw ang proyekto na People’s Ville sa Davao City,” ani Castro.
Habang hindi naman nagbigay ng pangalan si Castro, nauna nang nagpahayag si Vice- President Sara Duterte na ang People’s Ville project ay nagsimula sa panahon ng kanyang termino bilang Alkalde.
Para patunayan na ang mga proyekto ay nagsimula sa panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nagpakita ng resibo si Castro na magpapatunay na ang proyekto ay nagsimula sa Marcos administration.
“So, mainam po na maging mapanuri tayo, at ang proyektong ito ay para po sa ating mga kababayan, hindi para magpabida ang sinuman kung hindi laan ito para sa ating mga kababayan lalung-lalo na sa Davao City,” ang winika ni Castro.
Samantala, tinukoy naman ni Castro ang data mula sa DHSUD, sinabi nito na may 2,6000 housing units ang natapos na, at apat pang gusali ang sumasailalim ngayon sa konstruksyon. KRIS JOSE