MANILA, Philippines – Hahabulin sa Korte Suprema ng mga labor group ang TRO na kasalukuyang humaharang sa P85 daily wage increase para sa 1.1 milyong manggagawa sa NCR.
Sa pangunguna ng NAGKAISA! Labor Coalition, dadalhin nila sa Kataas-taasang Hukuman ang usapin dahil aniya’y walang kapangyarihan ang lower court na pigilan ang wage order.
Ayon sa mga petitioner, kailangang agad aksyunan ang kaso dahil may “transcendental importance” at direktang epekto sa kapakanan ng publiko.
Ginigit din nila na labag sa Article 126 ng Labor Code ang paglabas ng TRO ng Pasig City RTC. Ayon sa batas, limitado ang kapangyarihan ng mga lower court na maglabas ng injunction laban sa wage order.
“Magreresulta ito sa irreparable damage sa mga manggagawa kung hindi agad maaalis ang hadlang,” ayon sa grupo.
Inilabas ang TRO ni Presiding Judge Marie Joyce P. Manongsong ng Pasig City RTC Branch 152 matapos maghain ng petisyon ng dalawang malalaking kumpanya:
Kabilang rito ang R-II Builders Incorporated na pag-aari ni construction magnate Dr. Reghis Romero II at ni Readycon Trading and Construction Corporation President at GM Jesus F. Ignacio.
Hihilingin ng NAGKAISA! na sakupin ng Korte Suprema ang kaso kahit nasa mababang hukuman pa ito, dahil ito raw ay “case of first impression” at may kinalaman sa public welfare at advancement of public policy.
Sa ngayon, naka-pending pa rin ang implementasyon ng Wage Order 27 na magbibigay ng dagdag P85 sa sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Habang naghihintay, milyun-milyong empleyado sa NCR ang patuloy na nagbabayad ng mataas na presyo ng bilihin nang walang kasamang dagdag-sahod. Jocelyn Tabangcura-Domenden