MANILA, Philippines – Posibleng ginamit sa mga aktibidad sa pagpapalakas pa ng political plans ni Vice President Sara Duterte ang mga confidential fund, ayon kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
Ang pahayag ay ginawa ni Alonto Adiong kasunod ng testimonya sa Senate Impeachment Court ni Commission on Audit (COA) state auditor Xylene Del Campo na nagsabing ginamit ang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) para sa mga Christmas activity, kaganapan ng Knights of Rizal, thanksgiving at coordination meeting, tree planting, gift-giving, at medical missions.
“Sa aking palagay, parang connected dito sa pagkikilala at pangangampanya ng VP,” ani Alonto Adiong.
Kinuwestiyon din ni Alonto Adiong ang mismong pinaggamitan ng pondo.
“Paano ka magiging confidential in nature ng Christmas party? Paano ka magkakaroon ng isang confidential by nature na activity na pakikipag-coordinate ka sa Knights of Rizal?” giit nito.
Binigyang-diin pa ni Alonto Adiong na kaduda-duda rin ang timing ng mga ito dahil lumabas sa pagdinig na isinagawa ang ilang aktibidad mula Disyembre 13 hanggang 18, 2022, kahit pa ang cash advance ng OVP ay para lamang sa panahong Disyembre 21 hanggang 31.
“Kasi ang only way you can actually conduct an activity, ang gagastusin mo is ang confidential funds na hindi nauuna muna ang aktibidad bago pa i-release ang pera. Mukhang ginamit ang pondo upang i-reimburse ang mga aktibidad na hindi saklaw ng Joint Circular at ginawa para sa personal na layunin,” paliwanag nito.
Idinagdag ni Alonto Adiong na dapat ding isama sa pagsusuri ang mga isyu sa Acknowledgment Receipts (AR) ng OVP na kinulang sa mga sumusuportang dokumento. Aniya, nasa panig na ngayon ng depensa ang pasanin na patunayang lehitimo ang mga transaksyon.
“Kayo ang pinanggalingan ng AR, kayo ang may kilala sa mga informants ninyo; the burden of proof has now shifted to the defense,” dagdag pa ng mambabatas.
Nauna nang nagpalabas ang COA ng dalawang Notice of Disallowance sa paggamit ng OVP ng confidential funds dahil sa kakulangan ng mga dokumento at paglabag sa umiiral na Joint Circular. Gail Mendoza