MANILA, Philippines – TINIYAK ng Department of Budget and Management (DBM) na sumailalim sa mahigpit na pagsusuri ang mga proyektong kasama sa panukalang P7.2-trillion national budget bago pa isinumite ang National Expenditure Program (NEP) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
“Bukod sa talagang dinaanan ng bawat isang proyekto ‘yung review process na itinalaga ng ating national budget call, kabilang na diyan yung review ng Regional Development Council,” ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim De Leon sa press briefing kasunod ng ceremonial turnover ng 2027 NEP sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Nagsagawa rin ang DBM ng sarili nitong pagrerepaso sa mga proyektong isinumite naman ng mga ahensiya ng gobyerno.
Sinabi pa ni De Leon na mahigpit ang naging pakikipag-ugnayan niya sa mga ahensiya ng gobyerno partikular na sa Department of Public Works and Highways (DPWH), upang matiyak na ang mga proyekto na kasama sa NEP ay handa ng ipatupad at suportado ng kinakailangang dokumentasyon.
“All items in the National Expenditure Program for 2027 are fully accounted for during the preparation stage,” aniya pa rin.
Nirepaso rin aniyang mabuti ng DBM ang mga detalye ng proyekto kabilang na ang mga plano at geotags nagpapakita kung saan ang proyekto ay ipatutupad.
“Nakita po natin mismo ang mga detalye ng mga proyektong ito kasama po yung mga plano, including yung mga geotags kung saan dapat itatayo itong mga proyektong ito,” anito.
Winika pa ng Kalihim na ang proseso ay naglalayon na mapigilan ang “ghost projects” sa oras na maaprubahan na ang budget.
“That’s why even during the budget preparation, masisiguro natin na hindi ito magiging mga ghost projects dahil handa na ang mga plano, ready to implement once Congress has passed the budget,” aniya pa rin.
Magpapatuloy aniya ang project monitoring sa panahon ng implementasyon.
Samantala, Naglaan ang pamahalaan ng ₱107.4 bilyon para sa mga flood control project sa ilalim ng panukalang 2027 national budget, kabilang ang pondo para sa pagpapatuloy, pagkukumpuni, rehabilitasyon at pagpapaunlad ng mga umiiral na imprastraktura laban sa pagbaha.
Ipinagpatuloy ng pamahalaan ang pagpopondo sa mga flood control project upang matiyak na matatapos ang mga nasimulan nang proyekto at hindi ito mapapabayaan.
Mas magiging malala aniya ang epekto kung mananatiling hindi natatapos ang mga kasalukuyang flood control project.
Kabilang sa inilaan na pondo ang ₱19.6 bilyon para sa mga nagpapatuloy na foreign-assisted flood control projects at ₱3.41 bilyon para sa flood control program ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kabilang ang operasyon at maintenance ng mga pumping station at iba pang pasilidad.
Kaugnay nito, sinabi naman ni House Appropriations Committee Chairperson Mika Suansing na sasailalim pa sa masusing pagsusuri ng Kongreso ang mga flood control project bago maisama sa pinal na pambansang badyet para sa 2027. KRIS JOSE