MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na magkaiba ang nature ng impeachment case at criminal case kaya’t maaaring usigin si Vice-President Sara Durterte para sa reklamong grave threats habang nagpapatuloy ang impeachment trial laban sa kanya.
Ang paglilinaw na ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ay sa gitna ng napaulat na hindi mauusig si VP Sara para sa reklamong grave threats laban sa kanya habang nagpapatuloy ang impeachment trial.
“Magkaiba po kasi ang criminal case, magkaiba din po ang impeachment. Iba po ang nature ng dalawa,” ang binigyang diin ni Castro.
Tinanong kasi si Castro kung ang isang kaso ay maisasampa laban sa isang impeachable official sa korte habang nagpapatuloy ang impeachment trial laban dito.
Ang pahayag na ito ni Castro ay matapos kumpirmahin ng Department of Justice (DOJ) na naghain sila ng reklamong grave threats laban kay VP Sara.
Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, inihain ang reklamo sa Office of the Clerk of Court ng Quezon City Regional Trial Court 1:30 p.m. ngayong Martes, 11 August.
Kaugnay ito ng umano’y pagkontrata ng bise sa isang assassin para ipapatay sina Pres. Bongbong Marcos, First Lady Liza Marcos, at dating House speaker Martin Romualdez kapag namatay siya.
“The Vice President may not be prosecuted for an alleged offense that is also the subject of an impeachment case… The Vice President will exercise all available legal remedies in due course,” pahayag ni Atty. Paul Lawrence Lim, counsel ni VP Sara.
Samantala, sinabi ni Castro na personal siyang naniniwala na ang isinampang reklamo laban kay VP Sara ay hindi sapat.
“Actually kulang pa nga ‘yan. Ako, ha, as an ordinary citizen, as a lawyer, feeling ko kulang pa nga ‘yung kaso na ‘yan,” ani Castro.
“Hindi lang ‘yan grave threats, kasi sowing hatred talaga. The whole video. Sowing hatred against the President, against the First Lady,” aniya pa rin.
Tinuran din nito na hindi immune mula sa reklamo/ kaso si VP Sara.
“Wala siyang immunity from suit, so pwede siyang sampahan ng kaso. So, dapat noon pa nga,” anito.
Tinuran pa ni Castro na ang paghahain ng reklamo laban kay VP Sara ay hindi dapat na isisi kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Kasi ginawa niya ‘yan. Totoo namang nakita natin,” ang sinabi pa rin ni Castro
Samantala, sinabi naman ni Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ni VP Sara na ie-exercise ng mga ito ang lahat ng “available legal remedies in due course.” (KRIS JOSE)