MANILA, Philippines – Posibleng mapatawan ng parusa si Vice President Sara Duterte sakaling hindi siya dumalo sa paglilitis ng kasong grave threats na inihain laban sa kanya sa Quezon City Regional Trial Court.
Ito ang binigyang-diin ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez kasunod ng pagkakakaso ni Duterte dahil sa umano’y pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Martinez, malinaw sa batas ang magiging epekto kung hindi haharap ang isang akusado sa itinakdang trial o paglilitis.
“May kaukulang parusa ang isang akusado sakaling hindi ito humarap sa criminal proceedings,”ani Martinez.
Dagdag niya, hindi man sila makapagsalita para kay VP Duterte kung haharap ito o hindi, pero nakasaad sa batas ang posibleng penalty kapag binalewala ang patawag ng korte.
Kahapon, kinumpirma ng DOJ na nagsampa na ng kaso ang panel of prosecutors laban kay Duterte sa QC RTC para sa grave threats.
Nagrekomenda rin sila ng P120,000 piyansa kaugnay ng umano’y banta ni Duterte na ipapapatay sina PBBM, First Lady Liza, at Speaker Romualdez sakaling siya ay mapatay. Jocelyn Tabangcura-Domenden