MANILA, Philippines – Narekober na ang labi ng tatlong sa apat na bata na nawala matapos tumalon sa ilog sa Bulacan.
Ayon sa mga awtoridad, isa sa mga bangkay ang natagpuan sa mababaw na bahagi ng tubig sa Barangay Parada, Sta. Maria, Bulacan bandang alas-5 ng hapon noong Miyerkules, Agosto 12.
Kinilala ang biktima na si John Norbert Nipay, 17-anyos mula sa Barangay Sto. Cristo.
Siya ay nalunod sa Cabungan River noong Lunes, ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
“As per witness… tumalon din po ito sa ilog. Allegedly, gustong maligo or tatawid daw po sa ilog kaya lang po malakas na din po yung current kaya tinangay na din po itong si John Norbert,” sinabi ni San Jose Del Monte DRRMO head Gina Ayson.
Si Nipay ay nakilala sa kanyang suot na itim na bracelet na may cross at bible verse.
Samantala, ang bangkay naman ng dalawa pang biktima ay natagpuan sa Marilao nitong Huwebes ng umaga.
Sila ay natagpuan 15 kilometro mula sa kung saan sila huling nakita sa San Jose del Monte, Bulacan.
Ayon kay Gaya Gaya Barangay Captain Ryan Santos, nakita ng mangingisda ang lumulutang at lumobo nang katawan ng mga bata.
Kinilala naman ang mga ito na sina Ronjean Justine Alceso mula sa Barangay Gaya Gaya, San Jose Del Monte, at Raizen Karl Delos Reyes mula sa Bagong Silang, Caloocan. Kapwa 13-anyos.
Ang isa sa apat na mga bata ay nawawala pa rin sa kasalukuyan. RNT/JGC