Home NATIONWIDE Palasyo sa mga guro: Manatiling professional, ‘wag gawing online content mga estudyante

Palasyo sa mga guro: Manatiling professional, ‘wag gawing online content mga estudyante

1
0

MANILA, Philippines – PINAALALAHANAN na rin ng Malakanyang ang mga public school teachers na panatilihin ang propesyonalismo sa trabaho at iwasan ang pag-post ng online content na magkokompromiso sa pagkakakilanlan ng mga mag-aaral.

Tinukoy ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang pahayag ng Department of Education (DepEd) na ang paglalantad sa pagkakakilanlan ng mga mag-aaral sa kanilang post ay isang paglabag sa ‘ethical standards at polisiya’ ng DepEd.

May ilang insidenta na aniya kasi na ginagamit ng mga guro ang kanilang propesyon bilang bahagi ng kanilang online content.

“Kaugnay nito, nagpaalala ang DepEd sa lahat ng mga pampublikong guro na iwasan ang ganitong mga practice at panatilihin ang propesyonalismo sa trabaho sa loob man o labas ng apat na sulok ng paaralan,” ang sinabi ni Castro.

“Nagpapaalala rin ang DepEd sa mga guro na panindigan ang kanilang sinumpaang tungkulin at patuloy na maging mabuting huwaran sa kanilang mga mag-aaral,” aniya pa rin.

Binigyang diin pa ni Castro na ang mga guro ay nagsisilbi bilang pangalawang magulang ng mga mag-aaral, habang ang paaralan naman ay nagsisilbing pangalawang tahanan.

“Ang mabuting asal ay natututunan sa tahanan at higit na nahuhubog sa paaralan,” ani Castro.

Sa ulat, nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa mga guro at iba pang personnel na panatilihin ang pagiging-propesyonal, at tamang asal sa paggamit ng social media.

Sa memorandum na inilabas ng ahensya noong Agosto 11, sinabi ng DepEd na hindi purkit naka-private ang isang social media account ng isang guro ay hindi na saklaw ng mga pamantayang propesyonal at etikal ng ahensya.

Partikular na binigyang-diin ang mga post na may kaugnayan sa mga mag-aaral, classroom activities, school premises, at opisyal na tungkulin ng mga guro.

Ayon sa DepEd, nakatanggap ito ng mga ulat tungkol sa social media posts ng ilang guro at school personnel na hindi naaayon sa pamantayan ng DepEd.

Pinag-iingat din ang mga guro sa pagpo-post ng content na may kinalaman sa kanilang mga estudyante, dahil maaari aniya silang maka-impluwensiya.

Pinaalalahanan din ang mga empleyado ng DepEd na huwag mag-post ng mga personal na pag-atake laban sa kanilang mga kasamahan o makasira sa reputasyon ng ahensya.

Dapat ding iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon online.

Bagama’t kinikilala ng DepEd ang paggamit ng social media para sa talakayan tungkol sa mga napapanahong isyu, hindi umano ito dapat gamitin sa mga mag-aaral maski sa kanilang mga aktibidad para sa paggawa ng content na maaring magpakita ng pangungutya, harassment, at public scrutiny. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here