MANILA, Philippines – Humiling ang apat na abogado na idinadawit sa umano’y “honey trap” na plano laban kay Executive Secretary Ralph Recto na ilipat sa Lunes, Agosto 17, alas-2 ng hapon ang kanilang pagharap sa National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay NBI-NCR Regional Director Emeterio Dongallo Jr., pinagbigyan ang kanilang hiling dahil sa “prior commitments.”
Nauna nang kinumpirma ni NBI Director Melvin Matibag na ang apat na abogado ay mula sa Rondain & Mendiola law firm sa Ortigas, na itinatag ni Atty. Ruy Rondain, na legal counsel din ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Inisyu ang subpoena matapos magsumite ng supplemental affidavit ang isang talent manager na naaresto sa kasong human trafficking. Tinukoy niya ang apat na abogado at sinabing sila ang inatasang gumawa ng “script” o mga gawa-gawang pahayag laban kay Recto.
Ayon kay Alias Ken, dumalo ang mga abogado sa mga pagpupulong kasama si dating Kongresista Jing Paras upang umano’y planuhin ang isang operasyon kung saan apat na babae ang mag-aakusa kay Recto na pinilit silang gumamit ng ilegal na droga at makipagtalik sa kanya.
Sinabi rin ni Alias Ken na ipinakilala ng mga abogado ang kanilang sarili bilang mga kinatawan ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste, na umano’y financier ng plano. Mariing itinanggi nina Leviste at Paras ang anumang pagkakasangkot sa umano’y “honey trap.”
Nauna nang hindi personal na humarap sina Leviste at Paras sa NBI at sa halip ay mga abogado lamang ang ipinadala upang tumugon sa subpoena. RNT/MDS