MANILA, Philippines – Suportado ni Acting DBM Secretary Kim de Leon ang pagla-livestream ng bicameral conference committee deliberations sa panukalang ₱7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027.
Ayon kay De Leon, makatutulong ito upang maging mas transparent, accountable, at bukas sa publiko ang proseso ng pagbuo ng badyet.
Ang 2027 National Expenditure Program (NEP) ng administrasyong Marcos ay nakatuon sa edukasyon, kalusugan, imprastraktura, at social protection.
Sinabi ni De Leon na mahalagang makita ng publiko kung paano ginagamit ang buwis ng mamamayan, at ang mas bukas na deliberasyon ay makapagpapalakas ng tiwala at pananagutan sa pamahalaan.
Binanggit din niya na unang na-livestream ang bicam deliberations noong Disyembre 2025 para sa panukalang 2026 national budget.
Gayunman, nilinaw ni De Leon na ang pagpapasya kung bubuksan ang bicam deliberations ay nasa Kongreso, at handa ang DBM na magbigay ng mga dokumento at teknikal na impormasyon kung ito ay ipatutupad.
Target ng House of Representatives na maaprubahan ang panukalang 2027 national budget bago ang Oktubre 9, at sisimulan ang deliberasyon nito sa Agosto 17. RNT/MDS