Home HOME BANNER STORY Angat dam, umabot na sa minimum operating level

Angat dam, umabot na sa minimum operating level

1
0

BULACAN, Philippines – Umabot na sa 180.10 metro ang lebel ng Angat Dam sa Bulacan nitong Biyernes, ayon sa PAGASA, dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat.

Mas mataas ito ng 1.31 metro kumpara sa 178.79 metro noong nakaraang araw. Ang 180 metro ang itinuturing na minimum operating level ng Angat Dam, na mahalaga sa pamamahala ng suplay ng tubig.

Kapag bumaba ang lebel ng tubig sa ibaba ng 180 metro, maaaring bawasan ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig at unahin ang suplay para sa mga kabahayan. Ang 160 metro naman ang itinuturing na critical level.

Malaking pagbuti ito matapos bumagsak ang lebel ng Angat Dam sa 150.6 metro noong Hulyo 25, na mas mababa pa sa critical level.

Gayunman, halos 30 metro pa rin ang kulang nito sa 210 metrong normal high water level tuwing tag-ulan, kaya kailangan pa ng patuloy na pagtaas ng tubig upang makapag-ipon ng reserba para sa susunod na tag-init.

Samantala, patuloy pa ring nagpapakawala ng tubig ang Ambuklao at Binga Dams sa Benguet. Nasa 751.61 metro ang Ambuklao at 574.89 metro ang Binga, na kapwa bahagyang mababa sa kanilang normal high water levels.

Ang tubig mula sa dalawang dam ay dumadaloy patungo sa San Roque Dam sa Pangasinan, na tumaas na sa 266.20 metro ngunit mas mababa pa rin sa 280 metrong normal high water level nito. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here