MANILA, Philippines — Hindi dapat gamitin ng Tsina bilang panangga o pambala sa hidwaan ng dalawang bansa ang mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan doon, ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia.
Ito ang naging pahayag ni Goitia matapos kumpirmahin ng Chinese Foreign Ministry ang aksyon ng kanilang mga awtoridad laban sa mahigit 100 Pilipino na umano’y sangkot sa ilegal na pagtatrabaho at pananatili sa China.
Ayon kay Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., ang naturang hakbang ay maaaring isang uri ng “plain and simple extortion and blackmail,” partikular kung ito ay naging pagganti sa mga operasyon ng Pilipinas laban sa ilang Chinese national.
Iginiit naman ng Department of National Defense (DND) na isinagawa ng Pilipinas ang mga operasyon laban sa mga Chinese national alinsunod sa mga search warrant na inilabas ng korte at may kaugnayan sa mga iniimbestigahang ilegal na aktibidad.
Binigyang-diin ng DND na hindi maaaring igiit lamang ng China ang usapin ng visa at passport ng kanilang mga kababayan habang binabalewala ang mga ilegal na aktibidad na iniimbestigahan ng mga awtoridad ng Pilipinas.
Para kay Goitia, hindi dapat maging instrumento ng pamimilit ang mga Pilipinong manggagawa sa gitna ng tensyon ng dalawang bansa.
“Hindi maaaring gamitin ang mga Pilipinong manggagawa para gipitin ang pamahalaan ng Pilipinas. Iyan ay pamimilit, hindi diplomasya.”
Giit pa niya, may karapatan ang Pilipinas na ipatupad ang sariling mga batas sa loob ng teritoryo nito, anuman ang nasyonalidad ng taong iniimbestigahan.
“Walang veto ang Tsina sa batas ng Pilipinas. Kung may Chinese national na lumabag sa ating batas, dapat siyang dumaan sa tamang proseso. Hindi dahilan ang kanyang nasyonalidad para siya ay palampasin.”
Lalong uminit ang usapin kasunod ng kontrobersyal na video ng China Daily na naglarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy. Kinondena ito ng Manila bilang racist, mapanghamak at nakabababa sa dignidad ng mga Pilipino.
Ayon kay Goitia, kailangan ng Pilipinas ang matatag na paninindigan sa pakikipag-ugnayan sa China, ngunit hindi nangangahulugang dapat itong humantong sa walang-ingat na komprontasyon.
“Nais natin ng kapayapaan, hindi pagpapasakop. Hindi maaaring tawaran ang dignidad ng Pilipino at soberanya ng Pilipinas.”
Sinabi niyang maaaring ipagpatuloy ng Pilipinas ang diplomasya sa China habang pinoprotektahan ang mga Pilipino at ipinagtatanggol ang sariling mga batas at soberanya.
“Isa tayong malayang bayan. Walang dayuhang kapangyarihan ang may karapatang magtakda ng ating halaga.”
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay nagtapos ng Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), at may mga advanced degree sa MNSA, MPA, at MBA. JAY Reyes