CHIBA, Japan – Nagdulot ng record na pag-ulan sa Japan ng matinding pagbaha sa Chiba Prefecture, na nag-iwan ng walong patay at nagpa-stranded sa libo-libong pasahero sa Narita Airport malapit sa Tokyo.
Mahigit 360 millimeters ng ulan ang bumagsak sa loob ng 24 oras sa ilang bahagi ng Chiba, dahilan ng pagbaha sa mga kalsada at riles. Nagpadala rin ng mga sundalo upang tumulong sa mga rescue operation.
Ayon kay Chiba Governor Toshihito Kumagai, “This case was an extremely unusual situation. I have responded to many disasters in the past, but I have never experienced a case like this.”
Kabilang sa mga nasawi ang isang taong na-trap sa lubog na sasakyan.
Sa Narita Airport, namahagi ang mga kawani ng sleeping bags, tubig, at pagkain sa daan-daang pasahero matapos ma-stranded ang humigit-kumulang 7,000 katao dahil sa pagkagambala ng transportasyon.
Ayon sa isang residente ng Chiba, apat na oras ang pila para sa taxi at hindi siya tinanggap ng hotel na kanyang na-book kaya bumalik na lamang siya sa paliparan.
Mahigit 20,000 kabahayan ang nawalan ng kuryente, habang pansamantalang naputol ang suplay ng gas sa halos 13,000 kabahayan matapos bahain ang isang power substation.
Isinara rin ang ilang pangunahing highway at sinuspinde ang ilang serbisyo ng tren, bagama’t naibalik ang ilang biyahe mula Narita patungong Tokyo noong Biyernes.
Ayon sa mga awtoridad, ang 367 millimeters ng ulan sa loob ng 24 oras ay lumampas sa dating rekord na 309 millimeters na naitala noong Oktubre 2013. RNT/MDS