MANILA, Philippines – Nasa P1 milyong cash at mobile phones ang natangay ng mga kawatan makaraang pasukin ang isang kilalang tindahan sa Alfonso, Cavite.
Ayon sa report ng pulisya, pinasok at pinagnakawan ang Fortune King Shoppermart OPC na nasa panulukan sa Brgy Luksuhin Ibaba, ng nasabing bayan.
Patuloy namang nagsasagawa ng manhunt operation ang pulisya sa dalawang hindi nakilalang kalalakihan na nanloob sa naturang shoppermart.
Sa ulat, bandang ala-1:30 ng madaling araw ay sinira ng mga suspek ang bintana at pintuan sa likurang bahagi ng tindahan at nang nakapasok ay puwersahang winasak ang dalawang vaults na naglalaman ng humigit kumulang na P600,000.00 cash na kita ng tindahan at 16 unit na mobile phones na nagkakahalaga ng humigit kumulang sa P350,000.00 o kabuuan na humigit kumulang na P950,000.00.
Ang Fortune King Shoppermart ay isang one-stop shop ng mga school supplies, home essentials, kitchenware, appliances at General Merchandise.
Nagsasagawa ng on-site investigation at backtracking sa CCTV footage ang pulisya sa posibleng pagkakakilanlan at dinaanan ng mga suspek. MARGIE BAUTISTA