MANILA, Philippines – Dahil sa labis na kalungkutan ng isang 70 anyos na lolo na dumanas ng depresyon ay kinitil nito ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbigti.
Sa ulat, nangulila umano ito sa pagkawala ng asawa na namatay sa aksidente sa Barangay Kaybagal South, Tagaytay City, Cavite.
Hinihinalang may ilang oras nang patay ang biktimang si alyas Efren, isang maintenance worker at residente sa nasabing lugar.
Ayon sa ulat, dakong alas-4:45 ng madaling araw nang nadiskubre ng live-in partner ng biktima na nakabitin ang leeg gamit ang isang tali sa harapang pintuan ng extesion na bahay ng kanyang kinakasama sa Brgy Biga 2, Silang, Cavite.
Ayon sa kinakasama, nakaranas umano ng depresyon ang biktima simula nang naaksidente sila ng dating asawa sa Mater Dei, Tagaytay City may tatlong buwan na ang nakakaraan.
Nakaligtas ang biktima subalit namatay naman ang kanyang asawa.
Binabanggit din ng kasalukuyang kinakasama ng biktima na nagpahiwatig na umano ang matanda na magpapakamatay ito.
Tumanggi rin ang pamilya ng biktima na isailalim sa awtopsiya ang bangkay dahil naniniwala silang walang naganap na foul play sa pagkamatay nito. MARGIE BAUTISTA