MANILA, Philippines – Nanawagan si dating Surigao del Norte Rep at House Prosecution Panel adviser Ace Barbers para sa patas at balanseng pagpapatupad ng sub judice rule ng Senate Impeachment Court.
Ayon kay Barbers, hindi dapat gamitin ang nasabing rules upang patahimikin at pigilan ang legal at makatwirang talakayan ng publiko ukol sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin ni Barbers na dapat bigyan ng sapat at makatarungang pagkakataon ang magkabilang panig, ang House prosecution panel at ang kampo ng depensa, kabilang si VP Duterte, na maipaliwanag ang kanilang mga posisyon sa publiko.
Aniya, maaari naman itong gawin basta lamang mananatili ang kanilang mga pahayag sa loob ng hangganang itinatakda ng batas at hindi makakaapekto sa paglilitis.
Ang pahayag ay ginawa ni Barbers matapos ihayag ni Senate President at Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na maglalabas ng desisyon ang Senate Impeachment Court ngayong Lunes, Agosto 17, hinggil sa mga alegasyon na ang ilang miyembro ng prosecution at defense panels ay posibleng lumabag sa sub judice rule sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pahayag sa publiko habang umiiral ang paglilitis.
Paliwanag ni Barbers, umiiral ang sub judice rule upang protektahan ang integridad ng judicial at quasi-judicial proceedings, at hindi para pigilan ang responsable at factual na talakayan tungkol sa mga isyung naipresenta na sa open court.
“As long as both sides observe the legal boundaries and avoid influencing the court improperly, they should be allowed to explain their respective positions to the Filipino people,” giit nito.
Idinagdag pa niya na ang parehong prinsipyo ay dapat ding ipatupad sa mga miyembro ng Senado na umuupong Senator-Judges.
“Senator-Judges are public officials who may clarify procedural matters or address issues affecting the institution, provided they do so in a manner consistent with the Constitution, the Senate’s impeachment rules, and the ethical obligations of their office,” ayon kay Barbers.
Samantala, nagbalala si Barbers sa talamak na pagpapakalat ng mga maiiksing ‘spliced’ o inedit na video clip at hindi kumpletong bahagi ng mga pagdinig sa social media.
Aniya, mas malaking banta ito sa kaalaman ng publiko.
“When testimony is taken out of context, the public is left with only half the story. Selective content can easily distort the evidence and create false narratives that spread much faster than the truth,”ani Barbers.
Dahil dito, pinalalahanan ni Barbers ang mga media organization, content creator, vlogger, at social media user na maging mas responsable sa pag-uulat at pagbabahagi ng mga kaganapan mula sa trial. Gail Mendoza