MANILA, Philippines — Ganap nang Tropical Depression Neneng ang low pressure area sa silangan ng Extreme Northern Luzon nitong Martes ng hapon, Agosto 18, ayon sa PAGASA.
Dakong alas-4 ng hapon, namataan ang sentro ng Neneng 1,025 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon, taglay ang maximum sustained winds na 45 kilometers per hour (kph) at pagbugsong hanggang 55 kph. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kph.
Wala pang Tropical Cyclone Wind Signal na nakataas sa alinmang bahagi ng bansa.
Bagama’t inaasahang mananatiling malayo sa kalupaan at malabong mag-landfall, palalakasin ng Neneng ang habagat na patuloy na nakaaapekto sa Luzon at Visayas.
Dahil dito, posible ang malalakas hanggang gale-force na pagbugso ng hangin sa ilang lugar, habang inaasahan din ang maalong karagatan sa ilang baybayin ng Luzon at iba pang bahagi ng bansa.
Pinag-iingat ng PAGASA ang mga mangingisda at gumagamit ng maliliit na sasakyang pandagat sa paglalayag, partikular sa mga lugar na may maalong kondisyon ng dagat.
Batay sa kasalukuyang forecast, inaasahang hihina ang Neneng at maaaring maging remnant low pagsapit ng Huwebes, Agosto 20.
Samantala, patuloy na magdadala ang habagat ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas sa Miyerkoles, kabilang ang Zambales, Bataan, Cavite, Batangas at Mindoro. RNT