MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ng Malakanyang ang pagpapatupad ng naaangkop na alternative work arrangements sa mga tanggapan ng gobyerno at alternative learning modes at learning continuity measures sa mga pampubliko at pribadong paaralan bukas, araw ng Huwebes, Agosto 20, bilang paghahanda sa inaasahang patuloy na malakas na pag-ulan dulot ng habagat.
Nakasaad sa Memorandum Circular No. 131 na nilagdaan ni Executive Secretary Ralph G. Recto, sa pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang hakbang ay alinsunod sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at dahil sa banta ng localized flooding at mga panganib sa paglalakbay dulot ng patuloy na pag-ulan.
Nakasaad sa nasabing Circular na ipatutupad ang alternative work arrangements at alternative learning modes sa National Capital Region (NCR) at mga lalawigan ng Abra, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal at Occidental Mindoro.
Hindi saklaw ng alternative work arrangements ang mga ahensyang may kinalaman sa pagbibigay ng basic at health services, paghahanda at pagtugon sa mga sakuna at kalamidad
Ang mga Contract of Service (COS) at Job Order (JO) workers na ilalagay sa alternative work arrangements ay patuloy na tatanggap ng kaukulang sahod o bayad, alinsunod sa umiiral na mga patakaran at regulasyon.
Ipinauubaya naman ng Malakanyang sa mga Local Chief Executives ang kapangyarihang mag-pasiya kung kinakailangang suspendihin ang pasok sa mga lugar na kanilang nasasakupan na hindi napabilang sa memorandum circular.
Nasa diskresyon naman ng pamunuan ng pribadong sektor ang pagdeklara ng suspensyon sa trabaho o adopsyon ng alternative work arrangments.
Ang naturang Circular ay dapat na kagyat na ipatupad.
Pinaalalahanan naman ng Malakanyang ang lahat na mag-ingat. KRIS JOSE