MANILA, Philippines — Nanawagan si Cardinal Luis Antonio Tagle sa mga magulang at lolo’t lola na palakasin ang ugnayan sa mga bata at huwag hayaang video games, cellphone at artificial intelligence (AI) ang maging pangunahing gumagabay sa kanilang pag-iisip at pagkilos.
Ginawa ni Tagle ang pahayag sa kanyang homily sa Parish of the Holy Sacrifice sa University of the Philippines Diliman nitong Agosto 19, isang araw matapos ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng dalawang estudyante, kabilang ang umano’y gunman.
Nagpahayag ng kalungkutan ang kardinal sa insidente at nagtanong kung ano ang maaaring nagtulak sa isang bata upang magplano at gumawa ng ganitong uri ng karahasan.
“Para sa mga lolo, lola, mga magulang, ipakita sa mga bata ang puso na makatao,” ani Tagle.
Binigyang-diin niya na bagama’t maaaring magkakasama sa isang tahanan ang pamilya, nawawala pa rin ang tunay na ugnayan kapag mas nakatutok ang bawat isa sa kanilang gadgets kaysa sa pakikipag-usap sa isa’t isa.
Nagbabala rin si Tagle laban sa labis na pag-asa sa teknolohiya upang humubog sa mga bata.
“AI has no heart, games have no heart. Only human beings have hearts,” aniya.
Gayunman, hindi direktang sinisi ni Tagle ang AI o video games sa nangyaring pamamaril. Sa halip, ginamit niya ang insidente upang bigyang-diin ang papel ng pamilya at human connection sa paggabay at paghubog sa kabataan.
Si Tagle, na Pro-Prefect ng Dicastery for Evangelization ng Vatican, ay nagsalita sa paggunita sa kapistahan ni St. John Eudes. Hinikayat din niya ang publiko na pag-isipan muna ang pinagmumulan ng kanilang mga salita at kilos bago gumawa ng desisyon.
“Sana bago tayo magsalita, bago tayo kumilos, tanungin natin anong uri ng puso ang nag-uudyok sa akin sa bagay na ito,” ani Tagle. Jocelyn Tabangcura-Domenden