MANILA, Philippines — Umakyat na sa 29 ang iniulat na nasawi habang mahigit 6.5 milyong katao ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis at Maymay at ng Habagat, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes, Agosto 20.
Batay sa datos ng OCD alas-6 ng umaga, pinakamaraming nasawi sa Benguet na may 15, kabilang ang 10 sa Baguio City, dalawa sa La Trinidad at tatlo sa Atok.
Nakapagtala rin ng apat na nasawi sa Rizal at apat sa Batangas; dalawa sa Caloocan; at tig-isa sa La Union, Quezon, Oriental Mindoro at Negros Occidental.
Kabilang sa mga iniulat na sanhi ng pagkamatay ang landslide, rockslide, pagkatumba ng puno, pagkalunod, malakas na agos ng tubig, electrocution at vehicular accidents.
Bukod sa mga nasawi, 19 katao ang nasugatan habang tatlo ang nawawala.
Umabot naman sa 6,516,451 katao o 1,815,389 pamilya ang naapektuhan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, CALABARZON, Cordillera Administrative Region, Metro Manila at MIMAROPA.
Sa bilang na ito, 47,277 katao o 13,957 pamilya ang nananatili sa 628 evacuation centers.
Nasa 2,108 bahay din ang napinsala, kung saan 1,882 ang partially damaged at 226 ang totally damaged.
Tinatayang umabot na sa P4.665 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at P1.424 bilyon naman sa sektor ng agrikultura.
Patuloy ang assessment at validation ng mga awtoridad sa mga casualty at pinsalang dulot ng magkakasunod na sama ng panahon. RNT