MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na pag-aralan ang mga karagdagang solusyon upang matugunan ang pagbaha kasunod ng tuluy-tuloy na malalakas na pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, kabilang ang posibleng pagtatayo ng rainwater cisterns o imbakan ng tubig ulan.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na kabilang sa mga hakbang na ipinag-utos ng Pangulo ang pagtatayo ng rainwater cisterns, na maaaring makatulong sa pag-iipon ng labis na tubig-ulan at mabawasan ang pagbaha.
“Mayroon nang 30 sites na natukoy ang pamahalaan para sa posibleng pagtatayo ng rainwater cisterns. Inaasahang matatapos ngayong buwan ang detailed engineering ng proyekto bago simulan ang paghuhukay,” ani Castro.
Binigyang-diin din ng opisyal na nais ni Pangulong Marcos na matiyak ang maayos na pamamahala sa tubig, partikular kung paano mapapakinabangan ang tubig-ulan na maiipon sa mga imbakan.
“Ayaw ng Pangulo na i-pump out lamang ang maiipong tubig-ulan, kundi nais din niyang magamit ito sa panahon ng tagtuyot,” dagdag ni Castro.
Kabilang din sa iba pang isinusulong na hakbang kontra baha ang patuloy na pagpapahusay ng mga seawall, regular na paglilinis ng mga ilog at daluyan ng tubig upang maiwasan ang pagbabara dahil sa basura, at pagtitiyak sa tuloy-tuloy na operasyon ng mga pumping station.
Iniutos din ng Pangulo sa mga ahensya ng pamahalaan na pag-aralan ang mga flood-control measures na ipinatutupad sa ibang bansa na maaaring iangkop sa sitwasyon sa Pilipinas.
“Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na naging epektibo ang flood-control program ng pamahalaan, ilang buwan matapos itong simulan ngayong taon,” ayon kay Castro.
Batay sa datos ng pamahalaan, umabot sa 201.7 millimeters ang naipong dami ng ulan mula sa magkakasunod na pag-ulan katumbas ng halos 50,000 Olympic-sized swimming pools. (KRIS JOSE)