MANILA, Philippines – Suportado ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang panukalang total ban sa Roblox kasunod ng fatal shooting sa Ateneo de Zamboanga University.
“We are pushing for the total ban on Roblox… Ang Roblox lang kasi ang particular na mayroon siyang link sa dark web,” ani Remulla.
Nagpahayag siya ng pag-aalala sa mararahas na online content at posibleng epekto nito sa mga kabataan, lalo na sa mga first-person shooter games.
Ayon kay Remulla, kapansin-pansin ang pagkakahawig ng ilang bahagi ng Ateneo shooting sa video game.
“Kung titignan niyo yung nangyari sa [Ateneo de Zamboanga] shooting. Halos pareho sa itsura niya, video game. Noong una kong nakita nga, akala ko video game.”
Sinabi rin niyang maaaring nagkaroon ng “undue influence” at desensitization sa violence dahil sa mga larong nilalaro online.
Samantala, sinabi ng Roblox noong Marso na mayroon itong mga hakbang para sa kaligtasan ng mga bata, kabilang ang filters laban sa pagbabahagi ng personal na impormasyon, age checks bago magkaroon ng access sa chat, AI detection systems, monitoring teams at user reporting tools.
Sa insidente sa Ateneo de Zamboanga noong Martes, dalawang estudyante ang namatay at hindi bababa sa anim ang nasugatan. Isang Grade 8 student ang umano’y nagpaputok sa loob ng campus at kalaunan ay iniulat na binaril ang sarili sa ikalimang palapag ng gusali.
Ang dalawang baril na ginamit sa insidente ay naiugnay sa isang empleyado ng Bureau of Customs (BOC) na ama ng suspek.
“This is a case of misguidance. This is a case of undue influence by certain things on the internet. This is a case of desensitization of violence and children because of the games they play on the internet,” ani Remulla. RNT/MDS