MANILA, Philippines – Nakapagtala ng limang nasawi ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) dahil sa leptospirosis dala ng ilang linggo ng malalakas na pag-ulan at pagbaha dahil sa Habagat.
Ang pinakahuling naitalang nasawi ay bandang alas-4 ng hapon ng Biyernes, Agosto 21 kung saan ang kondisyon ng pasyente ay nagtuloy sa pulmonary hemorrhage.
Sa kabuuan ay mayroong limang pasyente ang naitalang patay mula Hunyo 1, habang may 19 kaso ng leptospirosis sa ngayon ang NKTI.
Ayon kay NKTI nephrologist Dr. Arlene Lamban-Crosson, karamihan sa mga inadmit na pasyente ay bigong makita ang sintomas ng sakit nang mas maaga dahilan para mas lumala ang kanilang kondisyon sa oras na magtungo sa ospital.
“Karamihan late kasi, so dapat mare-recognize din ng mga tao kung paano ba ang sintomas. “‘Pag na-expose ka, pakiramdam mo na ‘yung sarili mo if you feel unwell, meron kang lagnat, sumakit ‘yung muscles, sumakit yung joints mo,” ani Lamban-Crosson.
“Kasi malala na kapag nanilaw ka na… kapag umihi ka ng medyo iba na ang kulay o di ka na umiihi, malala na ‘yon. ‘Yun ‘yung mga napupunta sa amin, severe cases na,” dagdag pa.
Samantala, umabot naman sa 50 ang kaso ng leptospirosis sa San Lazaro Hospital at may dalawang nasawi.
“Alarming na sa amin ang hundred percent increase, kasi hindi pa natin nakikita ang peak ng leptospirosis surge. Usually, ang leptospirosis may incubation period from two days to 30 days,” sinabi naman ni San Lazaro Hospital Medical Chief Dr. David Suplico.
“Ang leptospirosis kasi is bacteria na kayang lunasan ng pag-inom ng antibiotic. Ayaw namin na pumunta sila sa ospital na severe na. Ang severe leptospirosis ay inaatake na ang vital organs ng katawan,” dagdag pa. RNT/JGC