MANILA, Philippines – Isang lalaki na Person With Disability (PWD) na ilang araw ng nawawala ang natagpuang wala nang buhay sa madamong bahagi sa Molino Blvd, Brgy San Nicolas 2, Bacoor City, Cavite.
Sa report ng pulisya, kinilala ang biktima na si Dench Francisco Morales, nasa hustong gulang, Administrative Aide I (ADA) ng Bacoor National High School – Gawaran Annex na huli umano itong nakitang buhay sa Main Square Mall, Molino Blvd Brgy Bayanan, Bacoor City, Cavite noong Agosto 13, dakong alas-4:30 ng hapon.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 4:45 ng hapon ng Agosto 20, nang nadiskubre ang biktima na halos hindi na makilala dahil sa naagnas na ito sa pagkababad sa tubig.
Napag-alaman na may nagtungo sa himpilan ng pulisya upang ireport ang nawawala nilang kapatid na si Dench.
Sa follow-up na isinagawa sa mga CCTV footage, nadiskubre ang isang bangkay na nasa stage of decomposition na.
Sa isinagawang examination ng SOCO ay positibong kinumpirma nito na ang bangkay na natagpuan ay ang lalaking nawawala.
Patuoy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso upang mabatid ang naging dahilan ng pagkamatay ng biktima at kung sino ang responsable rito. MARGIE BAUTISTA