MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Bam Aquino sa Kongreso sa pagsasabatas ng Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, o kilala rin bilang Blockchain the Budget Bill.
Sa pahayag, sinabi ni Aquino na kailangan ng higit na transparency sa paggasta ng pamahalaan kasunod ng pananalasa ng malalakas na ulan na nagresulta sa matinding pagbaha.
Ayon kay Aquino, pitong buwan nang nakabimbin sa Kamara ang CADENA Act kahit suportado pa ito ng ilang miyembro ng Mababang Kapulungan. Una na itong inaprubahan ng Senado noong Disyembre 2025 sa botong 17-0.
Inaatasan ng CADENA Act ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na i-upload at panatilihin ang detalyadong mga dokumento kaugnay ng budget — kabilang ang mga kontrata, gastusin sa proyekto, bills of materials, at procurement records — sa isang Digital Budget Platform.
Dinisenyo ang sistemang ito upang matiyak na ang lahat ng file ay bukas sa publiko, hindi madaling pakialaman, nasusubaybayan, at maaaring maberipika. Ang mga opisyal ng gobyerno na mabibigong magsumite ng mga kinakailangang dokumento o mag-upload ng pekeng impormasyon ay haharap sa administratibo at kriminal na parusa.
“Seven months na itong nakabinbin. A number of colleagues in Congress are pushing it also. But for some reason, hindi ito malabas-labas ng Kamara,” wika ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Science and Technology.
Aniya, ang CADENA Act ay ikatlo sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority measures ngunit ngayon ay nasa ika-41 na lang.
“I have a commitment naman from our leadership na hindi naman ibig sabihin na from 3 to 41 na wala na siya sa listahan. Nasa listahan pa rin siya. So I’m happy it’s still in the LEDAC list, pero I’m hoping more people can be with me na i-push ang Kamara, ipasa na natin ito,” wika niya.
Iginiit ni Aquino na naging agaran ang pangangailangan na maipasa ang CADENA Act kasunod ng matinding pagbaha at lumalaking atensyon ng publiko sa maling paggamit ng pondo ng pamahalaan, partikular sa mga proyekto para sa flood control.
“Ngayon na iyong baha grabe na ulit at naaalala ulit ng tao iyong maling paggamit ng budget noong mga nakaraang taon. The best way to address corruption is to have full transparency and to push for this. It’s a technological solution to our corruption problems,” sabi niya.
Kapag ginawang transparent ang budget, mabibigyan ang publiko ng kakayahang bantayan hindi lamang kung saan inilaan ang pondo kundi pati na ang aktuwal na paggastos ng kanilang buwis.
“Isang posibleng paraan para labanan iyong korapsyon, para matigil iyong korapsyon sa ating bansa, gawing fully transparent iyong paggamit ng pera. If we have the system up and it’s fully transparent, tingin ko, this is one of the best weapons against corruption,” giit ni Aquino.
Para kay Aquino, ang pagsasabatas ng CADENA Act ay bahagi ng mas malawak na pagkilos upang tugunan ang mga panawagan ng publiko kaugnay ng kontrobersiya sa flood control — pananagutin ang mga sangkot, mabawi ang pondo ng bayan, at baguhin ang sistema upang maiwasang maulit ang mga katulad na problema.
“Iyong trabaho ng Senado at ng Kamara itong pangatlo, baguhin ang sistema. And we have a chance to actually change the system, make it stronger against corruption, make it more transparent and hopefully safeguard the people’s money,” wika pa niya. Ernie Reyes