Home NATIONWIDE Long-term recovery ng disaster-hit Jose Abad Santos ipinag-utos ni PBBM

Long-term recovery ng disaster-hit Jose Abad Santos ipinag-utos ni PBBM

1
0

MANILA, Philippines – PINAGUNAHAN ni Cabinet Secretary Benhur Abalos ang mga ahensiya ng gobyerno sa pagbibigay ng tulong sa Jose Abad Santos sa Davao Occidental na hinagupit ng kalamidad, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang long-term recovery ng nasabing bayan.

Sa katunayan ani Abalos, mayroong 14 na ahensiya ng gobyerno ang sumama kay Abalos, nagbigay ng tulong gaya ng temporary shelters at cash-for-work hanggang farm inputs, skills training, classrooms, medical services at internet connectivity.

Ipinag-utos aniya ni Pangulong Marcos ang whole-of-government approach na bilisan ang recovery o pagbangon ng disaster-hit families habang sila ay muling nagtatayo ng kanilang tahanan at pagkakakitaan.

“Kung titingnan ninyo, ito na ’yung sustainability. Kasi nagawa na ’yon,” ayon kay Abalos sabay sabing “Sabi na nga ng Pangulo, ‘Sige, Benhur, ’yung whole of government, ayusin mo sa iba’t ibang departamento para ipakita natin ang pagmamahal ng gobyerno sa mga taga-Jose Abad Santos.”

Sinasabing, ito ang pangalawang pagbisita ni Abalos sa disaster-hit town.

Noong Hulyo, nagpunta si Abalos sa Jose Abad Santos kasama sina Public Works Secretary Vince Dizon, Social Welfare Secretary Rex Gatchalian and Education Secretary Sonny Angara sa utos na rin ni Pangulong Marcos na tugunan ang agarang pangangailangan ng komunidad.

Sa nasabing pagbisita, ikinasa ng mga ahensiya ng gobyerno ang serbisyo at tulong sa mga apektadong residente, mula pansamantalang tirahan at cash-for-work hanggang livelihood training, agricultural support, temporary classrooms at medical services.

Winika ni Abalos na plano nilang tumuloy sa ibang bayan gaya ng Glan at Malapatan, bukod sa iba pa para i-assess ang kanilang longer-term recovery needs.

“This will now be for sustainability, for job, for work. Of course, for housing, for agriculture,” ayon pa rin kay Abalos.

“Kung ano mang opportunities, kung ano mang mayroon na programa ang gobyerno, ibababa po natin ’yan,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, nangako ang Department of Human Settlements and Urban Development ng 100 modular shelter units, habang ang National Housing Authority ay nagbigay naman ng cash assistance sa mga pamilya ang bahay ay ‘totally damaged.’

Nagbigay naman ang Department of Labor and Employment ng TUPAD cash-for-work opportunities sa mga residente na nasira ang bahay habang nag-alok naman ng TESDA ng livelihood training para sa mga magsasaka at mangingisda. Tutulong naman ang Department of Trade and Industry sa packaging at marketing ng mga produkto na dinibelop sa pamamagitan ng livelihood training.

Nagbigay naman ang Department of Agriculture ng ‘animals, seeds at seedlings’ habang ang Philippine Coconut Authority ay namahagi ng food at non-food assistance sa 1,200 coconut farmers. Kabilang sa bawat PCA food package ay ang 25 kilo ng bigas, asukal, kape, noodles, canned goods, gatas at chocolate drink.

Nagbigay naman ang Department of Social Welfare and Development ng karagdagang cash assistance sa earthquake-affected families, bukod pa sa tulong na dating pinalawig sa pamamagitan ECT at UPLIFT.

Nangako naman ang Department of Environment and Natural Resources ng mga kahot na maaaring gamitin para magtayo ng bahay habang ina-assess naman ng Mines and Geosciences Bureau ang posibleng relocation sites.

Nagbigay naman ang Department of Education ng Learning Continuity Spaces para magsilbi bilang temporary classrooms. Patuloy namang tinutugunan ng Department of Health ang medical needs sa tent cities at tumutulong na magbigay ng sanitation facilities.

Patuloy namang nililinis ng Department of Public Works and Highways ang mga ilog at lansangan habang ang Department of Information and Communications Technology ay nagbigay ng Starlink internet connectivity sa piling apektadong komunidad.

Binigyang diin ni Abalos na ang tulong ay dinisenyo para sagutin ang mga pangunahing hinaing na kinahaharap ng mga pamilya habang tinatangka ng mga ito na bumalik sa normal na buhay.

“’Yung simple, ano makakain mo sa araw-araw? Ano’ng titirahan mo? Ano ’yung livelihood mo? Ano’ng trabaho mo?” ayon kay Abalos.

Samantala, nagpasalamat naman si Jose Abad Santos Mayor Jason John Joyce kay Pangulong Marcos at sa Office of the Cabinet Secretary para sa patuloy na pagtulong.

“Nagpapasalamat tayo kay PBBM, sa pamamagitan ng Office of the Cabinet Secretary led by Cabinet Secretary Benhur Abalos, sa patuloy na paghanap ng paraan na matulungan na makabangon ang JAS,” ang sinabi ni Mayor Joyce. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here