MANILA, Philippines – “All-out” ang pagkilos ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos laban sa basura at pagbaha. Tuloy-tuloy ang paglilinis ng mga estero, ilog at drainage, kasama ang pagpapalakas ng solid waste management at mga pangmatagalang hakbang.
Kasabay nito, nanawagan si Executive Secretary Ralph G. Recto sa publiko na makiisa sa pagsisikap ng gobyerno at baguhin ang kultura sa pagtatapon ng basura.
Pinalalakas din ng national government at local government units ang collection, clearing at waste management systems.
Binigyang-diin ni Recto na ang “first line of defense” laban sa baha at basura ay nagsisimula sa pamayanan. Kaya’t importante rin na makituwang sa national government ang LGUs.
“Kailangan nating magkaroon ng malawakang pagpapalaganap ng kutura ng disiplina. Sabi nga natin dati, ang basurang itinapon mo nang hindi wasto, babalik din sayo,” ani Recto.
Pinangunahan ni Recto nitong Aug. 20 ang pulong ng mga pangunahing ahensya ng pamahalaan at mga kinatawan ng LGUs.
Tinalakay dito ang mas mabilis na clearing operations at pangmatagalang solusyon sa basura.
“Lumalabas sa aming pagpupulong na walang garbage crisis sa Metro Manila, pero may krisis sa hindi wastong pagtatapon ng basura,” ani Recto.
“The message of the President is clear: isa itong suliranin na kailangan ng whole-of-society approach, kasama ang ating mga mamamayan.”
Ayon kay Recto, kailangang putulin ang daloy ng basura habang nasa komunidad pa lamang.
“Kapag ginawang basurahan ang kanal at mga kalye, nagiging expressway ng basura ang mga ilog pagbuhos ng malakas na ulan. Walang toll gate ang kalat, kaya tuloy-tuloy ang biyahe hanggang Manila Bay o sa mas malaking waterways natin,” ani Recto.
“Ang Manila Bay ay hindi inidoro ng plastic. Kung gaano kaganda ang sunset dito, ganoon naman kalala ang makikita mong basura na galing sa iresponsableng pagkakalat,” dagdag pa niya.
Hinimok ni Recto ang mga Pilipino na baguhin ang nakagawiang pagtatapon ng basura, kasama ang wastong segregation at disposal.
“Hindi mahirap gawin ito dahil kapag nasa ibang bansa ang Pilipino, marunong tayong sumunod sa batas: sa oras ng koleksyon ng basura, sa pag-segregate at sa pagtatapon sa tamang lugar. May disiplina naman tayo, sana’y lalong ipamalas pag nasa sariling bayan,” ani Recto.
Sa ilalim ng Oplan Kontra Baha ng Department of Public Works and Highways, patuloy ang clearing, declogging at desilting operations. Katuwang dito ang Metropolitan Manila Development Authority at LGUs.
Tinitiyak ding operational at handa ang mga pumping station, at pinalalakas din ang logistics para sa mabilis na paghakot at wastong disposal ng basura, tulad ng sapat na trucks, staging areas at disposal facilities.
Pinag-aaralan din ang paglalaan ng bahagi ng National Tax Allotment ng LGUs para sa solid waste management projects.
Gayundin ang Cleanest Barangay Program upang kilalanin at bigyan ng insentibo ang mga barangay na mahusay sa kalinisan at waste management.
Pinapalawak din ang trash traps sa waterways, Bayanihan sa Estero o TUPAD program, Estero Rangers, Environmental Monitoring Officers at Adopt-an-Estero Program. Kasama rin dito ang procurement ng solid waste management equipment para sa 16 LGUs.
Dumalo sa pagpupulong sina DENR Secretary Mitch Cuna, Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Ping Aliling, DPWH Undersecretary Charles Calima Jr. at MMDA Chairman Romando Artes. Dumalo rin sina Laguna Lake Development Authority Acting General Manager Leopoldo Parumog, League of Cities of the Philippines President Mayor Francis Zamora at League of Municipalities of the Philippines President Mayor Inno Dy. (KRIS JOSE)