GUINEA – Nasawi ang 30 katao sa landslide sa isang landfill sa Guinea dahil sa magdamag na malalakas na pag-ulan sa bansa.
Ang insidente ay nangyari isang linggo matapos ianunsyo ng pamahalaan ang planong isara ang site at i-relocate ang mga basura dahil sa bantang taglay nito lalo na tuwing tag-ulan.
Sa ulat, naganap ang landslide alas-2 ng madaling araw sa Gbessia commune ng Conakry, ayon sa pahayag ng pamahalaan.
Umabot sa 30 ang death toll, anim ang seryosong nasaktan, at 16 pa ang bahagyang nasaktan.
Gumamit na ang mga rescue worker ng excavator at iba pang tools para magalugad ang lugar ng landslide.
Binisita ni Prime Minister Amadou Oury Bah ang landfill nitong Linggo upang suriin ang lawak ng trahedya at pangasiwaan ang tugon ng pamahalaan at sinabing ang mga tao ay dapat na “remain calm, show solidarity, and strictly follow the instructions of rescue services and the competent authorities.” RNT/JGC